Mga Gawaing Pangkomunidad at ang PinoyPsych.Org
to help build a better world where peace, freedom, responsibility, justice, humanity, and morality will prevail…a global society based on respect and caring for individuals and peoples.
The universal declaration of ethics principles for psychologists
Isa sa mga pangunahing ethical principles ng sikolohiya ay ang pakiki-likha ng isang mundong may pagpapahalaga sa human dignity at human rights.
Ang PinoyPsych.Org ay naniniwala na ang foundational principle na ito ay magkakaroon lamang ng mukha sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa komunidad upang maisulong ang mga gawain na makakapagpaunlad sa kaginhwaan ng mga indibidwal at pamilya, anumang antas sosyo-ekonomiko sila kabilang, anumang pangkat etniko ang kanilang pinagmulan, at anumang mga hamon sa buhay ang kanilang pinagdaraanan.
Hindi maikakaila na napaka-powerful ng social media at iba pang online technologies tulad ng site na ito sa pagpapakalap ng impormasyon tungkol sa sikolohiya at sa paglalapit ng mga serbisyong may kaugnayan sa kalusugang pangkaisipan sa mas nakararami. Ngunit, naniniwala rin tayo na marami sa mga komunidad ang walang access sa ganitong platforms, kung kaya importante na mag-diversify tayo ng approach para mas maging accessible at effective ang ating mga gawain.
Ang paglubog sa mga communities ay isa sa mga inspirasyong mahuhugot natin mula sa mga kapatid nating development workers na maaari nating i-maximize din para sa pagtulak ng ating mental health at psychological well-being advocacies.
Ecological/Community Psychology at Counseling
Ang disciplinal leaning ng PinoyPsych.Org ay ecological/community psychology–isang interdisciplinary field na humahalaw ng teorya at metodo sa sikolohiya, community development, public health, at iba pang larangan upang unawain ang kaugnayan ng mental health at psychological well-being ng indibidwal sa pamamagitan ng pag-unawa sa mas malawak na context ng tao, at mag-disensyo ng mga interbensyon gamit ang mapagbuo o holistic/integrative na tanaw.
Naniniwala ang ecological/community psychology na kaakibat ng mga interventions na naka-focus sa individuals ay malaki ang benefit kung ang titingnan ay ang mga solusyong maaaring ma-harness sa mga komunidad.
Dahil sa ganitong pananaw, hindi rin tinitingnan bilang hiwalay na isyu ang mental health sa iba pang contextual issues tulad ng gender and development, poverty, sociocultural issues, at maging sa political issues na kinakaharap ng isang bayan o bansa.
Bagama’t isa sa mga regimen ng approach ng sikolohista ang scientific at professional objectivity, mas malakas ang kaniyang systems perspective kung kaya’t ang pangunahin niyang lapit sa pagsusuri at pagtugon sa mga isyung sikolohikal ay ang paghahanap ng koneksyon sa isyu ng indibidwal, isyu ng pamilya, at isyu ng mas malawak na lipunan.
Sa isang ekolohika/pang-komunidad na sikolohiya, hindi lamang mga experts at specialist sa psychology ang may kapangyarihan sa kaalaman. Bagkus, maraming sources at creators ng knowledge at competencies, at pinakapangunahin dito ang mga tao sa komunidad at ang kanilang kuwento (stories), boses (voices), at haraya (images/imagination).