Bakit may PinoyPsych.Org?
Mahaba ang kasaysayan patungo sa pagkakabuo ng PinoyPsych.Org pero simulan na lang natin ang kuwento noong 2016 kung saan nailagay sa limelight ang disiplina ng psychology dahil sa ilang mga kaganapan sa bansa.
Si Duterte, Sereno, at psychological assessment
Three years ago, nabalot ng kontrobersiya ang isang field ng sikolohiya na sumasaklaw sa paggamit ng mga psychological tests upang tayain at tasahin ang intelligence, personality, at iba pang aspeto ng pagkatao ng isang indibidwal. Ang field na ito ay tinatawag na psychological assessment.
Noong kasagsagan kasi ng presidential election hanggang sa unang bahagi ng pamunuan ng bagong administrasyon, nagsimulang kuwestiyunin ang integridad at kakayahang mamuno ng presidentiable at kasalukuyan na ngang pangulo ng Pilipinas na si Rodrigo Duterte. Ginamit na basehan ng mga nagdudua ang past psychological reports ng pangulo at ang expert opinion ng ilang psychiatrist tungkol sa kaniyang psychological disposition. Ayon sa kanila, may psychological disorder si Duterte at dahil dito ay hindi karapatdapat na bigyan ng napakalaking papel upang panguluhan ang ating bansa.
Dalawang taon ang lumipas, muling naulit ang ganitong isyu ng tanungin ng ilan kung ang isang psychological report ba ay maaring gamitin upang i-impeach si Chief Justice Maria Lourdes Cereno, isang kontrobersiya na ayon sa iba ay politically-motivated dahil sa pagtuligsa ng huli sa administrasyong Duterte.
Sa dalawang pagkakataong nabanggit, nahatak sa usaping pulitika ang sikolohiya at nagkaroon ng hati-hating opinion ang mga sikolohista, psychiatrists, at iba pang propesyunal na ka-alyado ng disiplina. Ito ay sa kabila ng statament ng propesyunal na organisasyon ng mga sikolohista hinggil sa isyu. Ano nga ba ang hangganan ng paggamit ng psychological assessment kung ang pinag-uusapan ay mga taong may malaking gampanin sa serbisyo-publiko? Alin ang mas matimbang: ang responsabilidad ng mga eksperto na panatiliing confidential ang anumang impormasyong may kaugnayan sa sikolohikal na kalagayan ng isang tao o ang responsabilidad nilang suriin ang kaangkupan ng isang tao sa isang posisyong magtatakda ng kinabukasan ng isang bansa? Ang mga tanong na ito ay mahalaga at masalimuot dahil hindi lang ito basta usaping konseptuwal kundi isang usaping etikal—paano ba dapat isinasagawa ang sikolohiya sa paraang napangangalagaan ang karapatan ng lahat?
Ang madla naman ay nagtatanong din. Ano nga ba ang psychological disorder? Paano malalaman kung ang isang tao ay mayroon nito? At, kung may ganoon mang kundisyon, kaya kaya niyang gampanan ang isang mabigat na responsabilidad, halimbawa, ang maging pangulo o punong mahistrado ng isang republika? Ang mga tanong na ito ay karapat-dapat talakayin at maunawaan hindi lamang ng mga propesyunal kundi ng lahat ng Pilipinong nais makilahok sa mga usaping pambansa.
Mental Health Law, Sa Wakas!
Naging mas intense ang pagpaplano para sa isang online platform kung saan pwedeng pag-usapan ang mga konseptong sikolohikal nang sa wakas ay naisabatas ang Mental Health Law noong June 2018. Malaki ang epekto ng batas na ito sa sikolohiya lalo na sa clinical psychology at psychotherapy o sa sikolohiya ng kalinga o sikoterapiya na tumatalakay naman sa mga interbensiyon na maaaring isagawa upang tugunan ang mga pangangailangang sikolohikal.
Masasabing ang batas na ito ay isang landmark legislation dahil naglalayon itong makapagabot ng serbisyo na may kaugnayan sa kalusugang pangkaisipan (lusog-isip) sa mga Pilipino. Mahalaga ang papel na ginampanan ng mga kabataan sa laban para maisakatuparang ang MH Law.
Malaki rin ang papel ng social media technology sa kampanya ng mga mental health advocates noong niluluto pa lang ang batas at maging sa kasalukuyan kung saan hinuhulma pa rin ang implementing rules and regulations nito.
Dahil napirmahan na ang IRR ng MH Law, mas nagkaroon na ng hugis kung paano aabutin ang layunin na maging accessible ang mga mental health services sa nakararami at paano ang mga ito gagawing lapat sa pangangailangan ng mga Pilipino sa iba’t ibang lugar, paaralan, lugar-gawaan, at komunidad. Kung gayon, nakikinita na mas dapat magkaroon ng talakayan sa mga konseptong tungkol sa mental health. Kapag bumaba ka sa mga paaralan at komunidad, maraming tanong ang lumulutang tungkol sa stress, depresyon, at proseso ng pagtulong at paghingi ng tulong. Tiyak na magiging interesting para sa mga subscribers kung masasagot sa platform na ito ang ilan sa mga tanong na naglalaro sa isip nila.
Kaugnay ng pagsasabatas ng MH Law ay ang malalim, maingay, at madugong diskusyon tungkol sa Philippine drug war na isa sa mga flagship programs ng kasalukuyang administrasyon. Pasok na pasok ang diskusyong tungkol sa Oplan Tokhang sa disiplina ng sikolohiya dahil ang drug use at iba pang uri ng substance abuse ay tinitingnan ng mga mental health professionals bilang isang psychological concern na dapat ay tinutugunan sa pamamagitan ng pag-aabot ng serbisyong psychosocial at pangkalusugan at hindi sa pamamagitan ng pagkulong o pagpatay. Makakatulong sa marami kung mapaguusapan ano na ang mga initiative sa bansa upang tugunan ang drug issue gamit ang mental health and psychosocial services framework, at makapagkwentuhan ano ang kalagayan ng mga taong naging kalahok sa mga initiatives na ito.
Para sa Bata, Para sa Bayan
Higit sa lahat, ang pinaka-nagtulak na seryosohin na talaga ang pagbubuo ng blog na ito ay ang mga kaganapan sa unang bahagi ng 2019, kung saan lumutang muli ang debate na napapaloob naman sa area ng developmental psychology o sikolohiya ng pag-unlad. May ilang opisyal kasi ng pamahalaan na ang tingin ay dapat babaan ang minimum age of criminal responsibility (MACR) ng mga bata mula sa kasalukuyang itinatakda ng batas na 15 years old pababa sa 9 years old. Ang polisiyang ito ay di lamang usaping pulitikal kundi usaping sikolohikal din dahil mahalaga sa pagresolba ng debate ay ang pagunawa sa katangian ng isang lumalagong bata. Dati nang nanindigan ang mga sikolohista sa Pinas sa usaping ito, ngunit di pa rin maiaalis ang mga katanungan hinggil sa pagbaba ng MACR.
Sa edad na siyam, may discernment na ba ang isang bata? Sa Philippine jurisprudence, ang discernment ay tinitingan bilang isang mental capacity o kakayahan ng isang minor de edad, hindi lamang na pagpasyahan kung tama o mali ang kaniyang asal, kundi na unawain ng buo pati na ang epekto ng kaniyang pagpapasya o gawain. Paano nga ba tinataya ang mental capacity ng isang indibwal? Maliban sa mental capacity ano pa ang ibang aspeto na dapat pagnilayan hinggil sa pagtatakda ng age of criminal responsibility? Maliban sa pagpapababa ng MACR ano pa ang mga interbensiyon na pwedeng gawin upang maiadya ang mga bata sa riskna makagawa ng mga krimen, at ano ang gampanin ng mga nakatatanda sa prosesong ito?
Kung babalikan ang mga isyung nabanggit, ma-re-realize natin na sa bawat political o societal issue pala ay may underlying na usaping sikolohikal na dapat maunaawan at pag-usapan. Ma-a-appreciate din natin na, sa pagninilay natin tungkol sa mga nangyayari sa ating lipunan, malaking tulong kung may kaalaman tayo sa mga batayang prinsipyo at konsepto sa sikolohiya. Sa gayon, makakapag-reflect tayo kung ano ang maaari nating magawa para sa ating sarili at sa ating kapwa upang tugunan ang mga isyung na may kaugnayan sa mga paksang pinagkakaabalahang dalumatin o suriin ng sikolohiya bilang isang larangan.
Sana, maging opportunity ang PinoyPsych.Org upang makapag-bahaginan tayo ng mga kuwento, kaalaman, opinyon at pangarap natin bilang indibidwal, bilang isang miyembo ng pamilya, at bilang mamamayan ng bansang Pilipinas, lalo na sa aspeto ng pagbubuo ng isang mundong maginhawa at may pag-unlad!