Child Development

Kuwentuhan sa Batuhan

Patakipsilim na at nakatambay kami sa isang pantalan sa Masbate. Kasama ang mga batang taga barangay, naglalaro kami ng salin-salita kung saan tina-translate namin sa Ingles, Filipino, at Minsabate ang mga salitang tumutukoy sa mga bagay na makikita sa paligid ng malawak na look.

Habang tanaw ang papalubog na araw, tinanong ko ang isang batang babae–ang pinakabibo sa grupo–“Bakit ka pa nasa labas, ma-dolom na?” Sagot niya, “Wara pa kaming luto” (Wala pa kaming kanin). Nagkuwento siya na kapag wala silang pansaing na bigas, kumukuha ang kaniyang tatay ng mais sa bukid at kung wala naman silang ulam ay nanghuhuli ito ng turay, bolinao at pasayan na napapadpad sa bahaging iyon ng katubigan.

Malakas naman ang tawa ng isang batang lalaki na tuwang-tuwa habang nakikipag-selfie sa amin. Kilala ko ang bata sapagkat siya yung isa sa mga nakalaro namin kaninang tanghali. Nung patapos na kaming maghabulan at umawit ay nagtanong siya, “Makanam pa kita?” (Maglalaro pa ba tayo?). Bibo ang bata at mistulang natuwa rin sa amin. Inihatid pa nga niya kami sa paaralan noong maguuwian na mula sa pagpapalipas oras sa daungan. Pabaon niya, “Makanam ulit tayo!” bago siya tuluyang umuwi.

Siyam na taon ang batang babae at pito naman ang batang lalaki. Sila ay may iniinugang mundo kung saan ako, kami, ay kanilang pinatuloy. Naalala ko ang iba pang mga bata na nakasama ko dati at ang kanilang mga matang puno ng pag-asa, saya, at pangarap sa gitna ng mapanghamong mundo at panahon na kanilang nilalakbayan.

Pag-asa’t pagkabagabag

Bilang isang guro at counselor sa mga komunidad, pinanghahawakan ko ang mga pangarap ng mga batang nakakasalamuha ko, ngunit, sa totoo lang, madalas ay napapaisip ako ng malalim–lima, sampu, dalawampung taon mula ngayon, kumusta na kaya sila?

Di ko maiwasang mangamba dahil na rin sa kamulatan ko kung paano tumatakbo ang mundong ito at kung paanong sinusubok ng buhay ang mga taong nagpupunyagi.

Di ko rin maiwasang malungkot, magalit, at mahiya dahil sa kawalan ng katarungan sa mundo at sa kawalan ng malakihang reporma para sa kalagayan ng bata sa bansa.

Subalit, sa gitna ng pagaalala, nananatiling kinakapitan ko ang tapang, tatag, at positibong tanaw ng mga batang nakakasama, ng kanilang mga magulang at guro, at ng mga taong nagmamalasakit sa kanila.

Ang Batuhan East Elementary School at ang The Storytelling Project

Ang mga batang kasama namin sa daungan ay mga mag-aaral sa Batuhan East Elementary School (BEES), isang paaralan sa lungsod ng Masbate, mahigit kumulang 30 kilometro mula sa town center. Kung babaybayin ang sementadong kalsada papunta sa lugar, aabutin ng mga 45 minuto ang byahe. Kung sasakay naman ng bangka ay mas maikli–mga 20 minuto mula sa fish port ng town hanggang sa gitna ng bakawanan kung saan naroon ang daungan ng Batuhan. Ilang metrong lakad lang ay mararating na ang paaralan.

Ayon sa mga guro sa BEES, hikahos ang mga mag-anak sa lugar. Karamihan sa mga tatay ay mangingisda, magsasaka o kaya ay naghahanapbuhay bilang mga mason na tumatanggap ng mga gawaing arawan sa city (tawag ng mga tagabarangay sa town proper). Ang mga nanay naman ay nakatuon sa gawaing bahay habang tumutulong din sa paghahanapbuhay sa pamamagitan ng paglalako ng mga huling isda o naaning mais.

Hindi madali ang buhay ngunit sinisikap ng mga magulang na mapagaral ang kanilang mga anak. Kahit di sigurado kung ang mga ito ay makakatuntong ng hayskul o kolehiyo, iginagapang ng mga magulang na magkaroon ang mga bata ng pormal na edukasyon. Sabi nga ng mga magulang na nakakuwentuhan ko, ang inaasahan lamang nila ay “mapataas ang kaaraman” (lumago ang kaalaman) ng kanilang mga anak.

Nakakapagpalakas din ng loob ang mga gurong di binibitawan ang kanilang tungkulin sa kabila ng mga hamon ng buhay. Sabi nga ni Ma’am Cyril, principal ng BEES, di natin pwedeng bitawan ang ating mga tungkulin natin dahil lang sa alam natin na di gumagalaw ang ilang aspeto ng sistema. Malalim ang kaniyang pagpapahalaga sa kalagayan ng mga magaaral sa lugar at naniniwala siya na dapat nating gawin ang lahat ng makakaya para sa ikabubuti ng buhay ng mga batang tinuturuan. Magtatatlong taon na si Ma’am Cyril bilang prinsipal sa paaralan at kahangahanga ang kaniyang dedikasyon sa pagpapaunlad nito.

Di rin matatawaran ang sipag at tiyaga ng mga gurong nakasalamuha ko. Karamihan sa kanila at taga-city at arawaraw sumasakay ng bangka upang magturo. Lahat sila ay magiliw at maaruga ngunit tumatak sa akin si Teacher Jha, na naging kabiruan at kachikahan ko rin. Halos kasabay siya ni Ma’am Cyril na naging bahagi ng BEES. Siya ang naging susi rin upang makarating sa Batuhan ang The Storytelling Project (TSP).

Ang TSP ay isang proyekto na naglalayong mapataas ang reading interest, engagement, at habit ng mga bata lalo na sa mga remote na lugar.

Sa loob ng 21 araw ay magdaraos ng mga storytelling activities kasama ang mahigit 40 bata ang mga volunteers ng TSP. May nakaprograma ding gawain sa loob ng tatlong taon na pinasinayaan ng pagtatayo ng isang stand-alone library sa BEES.

Nakasama ko si Kuya Rey, founder ng TSP, ang kaniyang kabiyak na si Teacher Grace at ang kanilang anak na si Likha. Siya ang dahilan kung bakit narating kong muli ang Masbate pagkatapos ng dalawang dekada.

Nakakapagpaningas ng pag-asa na makita ang kanilang malasakit sa mga bata at ang kanilang pagpupursige na magbukas ng plataporma para mapaunlad ng mga bata ng BEES ang kanilang interes sa pagbabasa.

Naitanong ko nga sa kaniya, “Sa kabila ng napakaraming responsabilidad, di ba mahirap?” Kasabay ang isang malaking ngiti, sagot niya, “Mahirap pero kakayanin para sa mga bata.[

Nakilala ko sina Daniel, Theejay, Eynna, Ben at Nik–mga volunteers na lumipad mula Maynila patungo sa Batuhan upang magkuwento at makipagkuwentuhan sa mga magaaral.

Galing sila sa iba’t ibang institusyon at may kanikaniyang trabaho ngunit pinagtagpo ng hangarin na makapagambag kahit papaano para sa pagpapataas ng kalidad ng buhay ng mga bata. Hindi inda ang antok at pagod, nakipaglaro at nagkuwento sila sa mga batang tuwangtuwa na makasama sila.

Habang pinagmamasdan ko ang mga bata at inaalala ang laro at pagawit namin sa init ng katanghalian, nababagabag ako sa kanilang kinabukasan. Ngunit dahil sa kanilang mga ngiti, likot, tawa, at akbay, natanto kong mas higit na kailangan ang ating diwa, lakas, at damdamin sa kasalukuyan.

Minsan lang silang bata at sana tulad ng kanilang mga guro, tulad nina Kuya Rey at ng mga volunteers ng TSP, ay samantalahin natin ang pagkakataon na arugain sila at bigyan ng pagkakataong maglaro, gumuhit, at magkuwento.

Isang Panalangin

Ngayong gabi, madulom na. Marahil nakakain na ng hapunan ang batang naghihintay sa mais na dala ng kaniyang tatay. Marahil ay nagpapahinga na sa kanilang bahay ang batang nais muling makipaglaro sa amin bukas.

Tinanong ko si Kris, malapit na kaibigan na kasama kong nakipagkuwentuhan sa mga bata, “Ano ang ginagawa mo pag nababagabag ka para sa mga batang nakikilala mo?” Sabi niya, sa tuwing nakakakilala siya ng bagong bata sa kaniyang pagseserbisyo sa mga komunidad, sinasabayan niya ng panalangin.

Kaya sa gabing ito, sa ilalim ng madilim na kalangitan at mangilan-ngilang bituin, usal ko ang isang dalangin: “Tanglawan Niyo po ang daan ng mga batang nakakalaro at nakakakuwentuhan namin. Gabayan Niyo po ang kanilang landas at huwag kailanman papawiin ang ningas ng kanilang mga pangarap. Gabayan niyo po ang mga taong nakatatanda na maging pangunahin para sa kanila ang pagbubuo ng isang lipunang mapagmahal at mapagkalinga sa mga bagong henerasyon at sa mga susunod pa.”


Kung nais ninyong makipagugnayan sa The Storytelling Project, mag-iwan lamang ng mensahe o kaya ay bisitahin ang kanilang FB page: https://www.facebook.com/TheStorytellingProject/

Leave a comment