Pangunahin sa mga palaging naitatanong ng mga taga-barangay sa mga pulong, training, o kaya ay iba pang aktibidad na may kaugnayan sa mental health ay ang pagkakaibaiba sa role ng counselor, psychologist, psychiatrist, at, recently nga, ng psychometrician. Ano-ano po ba ang pagkakapareho o pagkakaiba ng mga propesyong ito?
ANALISA, 48, COMMUNITY DEVELOPMENT WORKER

Malaki ang papel na ginagampanan ng mga mental health professionals sa pag-impart ng knowledge at skills na may kaugnayan sa lusog-isip. Sa pamamagitan nito, napapataas ang kakayahan ng bawat isa na alagaan ang ating sarili at makapagabot din ng suporta sa ating kapwa.
Panimula: Help-seeking behaviors ng Pinoy
Hindi tipikal sa nakararaming Pilipino higit nang lalo sa masa ang pagdulog sa mga mental health professionals—kolektibong salitang ginagamit upang tukuyin ang mga indibidwal na nagsanay upang makapag-abot ng mga serbisyong may kaugnayan sa lusog-isip. Sa Mental Health Law (RA 11036) na kapapasa lamang noong nakaraang taon, ang mga propesyunal na ito na nagaabot ng serbisyo ukol sa mental health ay tinatawag na service providers, samantalang ang mga taong nangangailangan ng serbisyo ay tinatawag namang service users.
Ayon sa mga pag-aaral, mas kampante tayong mga Pinoy na dumulog sa mga taong malapit sa atin o kaya ay tinitingnan natin bilang lider sa ating komunidad. Kasama sa mga taong ito ang mga kamag-anak, kaibigan, guro, pari, pastor at iba pang religious leaders. Isa sa mga tinatayang dahilan ay ang kaibahan ng kulturang Pinoy sa kulturang Kanluranin (Western) kung saan nagmula ang kamalayan at sensibilidad sa pag-avail ng mga mental health services. (Basahin ang rebyu ni Tuliao tungkol sa mental health help seeking ng mga Pinoy.)
Tinitingnan ding maaaring rason ng madalang na pagdulog sa mga service providers ay ang kakulangang pinansiyal na sagabal dahil sa may kamahalang health services. Ang average na outpatient cost para sa kalingang sikolohikal ay umaabot ng humigit kumulang 2,000 piso bawat sesyon. Bagamat may mga ospital at ibang institusyon na higit na mababa ang consultation fee, madalas ay kinukulang pa rin ang serbisyo dahil sa dami ng mga nais komonsulta.
Malakas ang collective identity ng mga Pinoy tulad ng mga tao sa mga karatig-bansang Asyano. Sa salita ni Markus at Kitayama, interdependent self-construal na ang ibig sabihin ay tinitingnan natin ang ating sarili na hindi iba o hindi hiwalay sa ating kapwa. (Basahin ang saliksik ni Sta. Maria tungkol sa representasyon ng Self ng mga Pinoy.)
Kaugnay rin nito ang malalim na pagpapahalaga ng mga Pinoy sa pamilya o kaya ay family centeredness/family orientation at sa opinyon ng pamilya sa ating mga indibidwal na buhay. (Basahin ang papel ni Tarroja tungkol sa konsepto ng pamilyang Pilipino.) Kaya sa halip na dumulog sa propesyunal, mas default sa atin na una munang konsultahin ang mga taong malapit sa atin kung kanino tayo may tiwala at pananalig.
Sa kabila ng ilang hadlang na naikukuwento rin ng mga tao sa komunidad, napakahalaga pa ring palawakin ang kaalaman at pagkakakilala sa mga service providers. Dahil sa affordability (abot-kaya) at accessibility (abot-kamay) ng mga serbisyo na pangako ng MH Law, umaasa tayo na mas magkakaroon ng laya ang mga taong nangangailangan na maka-avail ng mga serbisyong ito kung kaya’t makakatulong kung alam natin kung sino-sino ang mga taong pwede nating pagsanggunian.
Mga mental health professionals sa Pinas
Iba-iba ang batayan ng propesyunalisasyon ng mga mental health professionals sa mundo. Iba-iba ang minimum requirements at iba-iba rin ang career pathways. Ang mga sumusunod ay tipikal na profile ng mga mental health professionals sa Pinas:
Psychometrician
Ang psychometrician ay isang propesyunal na hinasa upang magadminister at mag-interpret ng mga psychological tests na sumusukat o sumusuri ng mental ability, personality at behavior ng isang tao. Isang kategorisasyon ng mga psychological test ay batay sa kung paano sila sinasagutan. Sa Pilipinas, pinapayagan ang isang registered psychometrician (RPm) na gumamit ng mga objective tests, samantalang ang mga projective tests ay karaniwang isinasagawa ng mga sikolohista o counselor na may advanced training.
- May bachelor’s degree sa psychology
- Kumuha at nakapasa sa licensure exam ng Professional Regulation Commission para sa Psychometrician o kaya ay nahirang na propesyunal batay sa grandfather’s clause ng RA 10029 (Philippine Psychology Act of 2009).
- Nakatuon ang serbisyo sapag-administer, pag-interpret, at pag-report ng resulta ng mga pagtatasang sikolohikal
Counselor
Sa Pinas, ang salitang counselor ay nai-e-equate sa guidance counselors–mga propesyunal na madalas ay matatagpuan sa mga paaralan at nag-aabot ng serbisyo sa mga mag-aaral at sa kanilang mga panganagilangang personal, akademiko, vocational at career. Subalit dahil sa nagbabago na rin ang panahon, mas lumalawak na ang saklaw ng responsabilidad ng mga counselors at sila rin ay natatawag na upang mag-abot ng saykososyal na serbisyo para sa mga pamilya at komunidad.
- May masterado o doktorado sa guidance counseling
- Kumuha at nakapasa sa licensure exam ng Professional Regulation Commission para sa Guidance Counselor o kaya ay nahirang na propesyunal batay sa grandfather’s clause ng RA 9258 (Guidance and Counseling Act of 2004)
- Madalas ay tumutugon sa adjustment issues o kaya ay developmental concerns ng mga tao kaugnay ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay (sa pamilya, sa eskwelahan, sa trabaho)
- May mga sikolohista rin na nagsanay sa Counseling Psychology at maaaring mag-abot ng counseling interventions kung sila ay may lisensya sa practice ng sikolohiya
- Hindi puwedeng mag-reseta ng gamot
Psychologist
Ang psychology ay isang malawak na disiplina na may kaugnayan sa pag-aaral at pag-unawa sa isip, damdamin, at kaasalan ng tao. May iba’t ibang larangan din ito at hindi lahat ng sikolohista ay nakatuon ang praktika sa pag-aabot ng clinical interventions. Gayunman, halos iisa ang linya ng academic training upang maging sikolohista.
- May masterado o doktorado sa sikolohiya
- Kumuha at nakapasa sa licensure exam ng Professional Regulation Commission para sa Psychologist o kaya ay nahirang na propesyunal batay sa grandfather’s clause ng RA 10029 (Philippine Psychology Act of 2009).
- May iba’t ibang espesyalisasyon. May mga sikolohista na nakatutok sa research o pananaliksik, may ilan naman na nakatutok sa clinical practice o sikolohiya ng kalinga at terapiya.
- Sa mga sikolohistang ang espesyalisasyon ay counseling psychology o clinical psychology, may training sila sa pagbibigay ng mga psychological interventions na may kaugnayan sa lusog-isip
- Hindi puwedeng mag-reseta ng gamot
Psychiatrist
May mga kaso kung saan nangangailangan ng psychopharmacological intervention ang isang taong nakararanas ng mental disorder. Mga psychiatrist ang humahawak ng ganitong mga kaso, although madalas, in conjunction ito ng iba pang uri ng psychotherapy.
- Isang medical doctor na mayroong further training sa psychiatry
- Maaring magreseta ng gamot (psychopharmacological intervention)
- Ang iba ay may pagsasanay rin sa counseling at psychotherapy
Social Workers, Nurses, at iba pa
Maliban sa mga nabanggit ni Analisa sa kaniyang tanong ay may iba pang mental health professionals sa ating komunidad. Sa RA 11036, tinukoy na Mental Health Professionals ang ating mga social worker at nurse.
Ang social worker, ayon sa RA 4373 na siyang gabay sa propesyonalisasyon ng social work, ay isang indibidwal na may pagsasanay sa praktikang patungkol sa mga gawaing may kaugnayan sa social services at sa pagpapatibay at pagpapaunlad ng ugnayan sa pagitan ng indibidwal at ng kaniyang environment. Ilan sa mga batayang metodo at teknik sa propesyong ito ay ang case work, group work, at community organization, kung saan mahalaga ang facilitation at counseling. Sa ibang bansa, may tinatawag na Clinical Social Worker na espesyalisado rin sa mga isyung maay kaugnayan sa mental, behavioral, at emotional concerns. Sa Pinas, upang maging social worker, kailangan may bachelor’s o master’s degree training sa social work at makapasa sa licensure exam.
Ang nurse naman, ayon sa RA 9173 o ang Philippine Nursing Act of 2002, ay isang propesyunal na nag-po-provide ng nursing services, either individually o in collaboration with other professionals. Sila ay nagfa-facilitate ng nursing process sa iba’t ibang settings–individualize care, family, at sa community. Sila ay naglilingkod sa mga indibidwal across the life span dahil ang kanilang serbisyo ay mula sa prenatal services hanggang elderly care. Kaagapay sila ng iba pang health care providers sa pagtugon sa iba’t ibang aspeto ng health care–curative man yan, preventive o rehabilitative. Upang maging nurse, kailangan magtapos sa degreeng Bachelor of Science in Nursing at makapasa sa board exam. Sa Pinas, may tinatawag tayong mga psychiatric nurses na tuwirang gumaganap ng therapeutic role sa mga mental health related cases.
Dahil malawak ang hamon sa aspeto ng mental health at mahalaga na sama-sama itong tugunan, kasama rin sa pagabot ng serbisyo ang mga informal community caregivers, mental health advocates at kanilang mga organisasyon, mga personal ombudsmen, at iba pang indibidwal at group na nag-po-provide ng nonmedical alternative therapies. Sa RA 11036, sila ay considered din as mental health providers.
Iba-iba man, nagkakaisa sa layunin
Sa kabuuan, anumang ang training o oryentasyon, lahat ng mga popesyunal na ito ay naglalayong makapag-abot ng serbisyo upang tugunan ang partikular na pangangailangan ng mga tao tungo sa pagpapaunlad ng kanilang sarili.
Dahil may kaniya kaniyang larangan ang bawat propesyon at may kaakibat itong mga limitasyon, possible na sa proseso ng help-seeking o paghingi ng tulong ay magkaroon ng tinatawag na referral. Ito ay ang mekanismo kung saan ang isang propesyunal ay hinihikayat ang isang service user na komunsulta sa iba pang propesyunal na may angking pagsasanay o expertise kaugnay ng isang suliranin.
Sa mga susunod na posts, mas pag-uusapan natin ng detalyado ang proseso ng psychological interventions at referrals.
Tumutugma ba ang mga nabanggit sa iyong pagkakaalam? May iba pa bang propesyunal sa iyong komunidad na matituturing mong mental health service provider? Ano ang iyong karanasan sa pag-dulog sa mga propesyunal na nabanggit? Mag-iwan lamang ng mensahe sa ibaba.